Lunes, Disyembre 2, 2013

Naki-chismis ang mga Jologs

* Maraming salamat kay Ms. Clang, writer ng Buzz ng Bayan sa pagbibigay sa amin ng oportunidad na makumpleto ang requirement naming makapanood ng isang live show para sa Kulturang Popular! 

Isa na ito sa masasabi kong pinakamahabang maghapon sa buhay ko.  Dumating kami ng kaklase kong sina Billy at Lady Aileen sa ABS CBN eksaktong 12 ng tanghali dahil iyon ang call time ayon kay Clang. 

Bandang 1230 ng tanghali nang kami ay papasukin sa loob ng compund.  Pinakain kami ng tanghalian at doon pa lang ay kinabahan na ako-- mukhang ginagasolinahan kami para sa isang mahaba-habang biyahe ah. 
Masayang (?) naghihintay

Anyway, inenjoy na lang namin ang paghihintay. Bandang 3:30 ng hapon nang ganap na sinimulan ang taping.  Gaya ng dati ko na ring naranasan, (pero sa mas maikling panahon ng paghihintay, nagsimula ang lahat sa kung paano ang mga dapat naming ikilos.)  Kung paanong dapat itaas ang mga kamay habang pumapalakpak, kung gaanong kalakas dapat ang aming paghuyhoy (pagsigaw) at kung paanong dapat ay lagi kaming nakangiti habang nanonood.  Syempre, lahat ng iyon ay hindi pinapansin ng madlang chismoso bilang sila ay abalang-abala sa pagkuha ng picture nina Carmina Villaroel at Janice de Belen na pinakamaagang dumating sa set (bukod kay Negi na official entertainer ng naiinip na audience.







 
Si Eugene Domingo na
nagpo-promote ng Kimmy Dora
Unang isinalang si Eugene Domingo para sa promo niya ng Kimmy Dora: Ang Kiyemeng Prequel.  Inaamin kong kahit hindi kagandahan si Uge (kumpara kina Carmina at Janice) at one million times ko nang napanood ang Kimmy Dora 1&2 niya at iba pang mga pelikula hindi ko maiwasang ma-starstruck sa kanya sa dahilang sobrang hinahangaan siya ng anak kong si Schae.  Dahil dito, pagkatapos ng interview sa kanya, hinawi ko talaga lahat ng marshalls para magkaroon ng kahit maikling video greetings para kay Schae. (pagkatapos ng ginawa kong iyon, naghigpit na sila sa audience- may oras lang na pwede kaming tumayo. hehehe, bad mama!!!)

Inaamin kong hindi ako mahilig manood ng mga ganitong chismis este talk show pero tinablan ako sa featured topic nila: sibling rivalry.  May ilang beses na ring nakatampuhan ko ang mga kapatid ko dahil sa ilang mga bagay (certainly not about rivalry kasi hindi naman ako competitive na kapatid). 

Bilang isang nagsisimulang nanay, naging eye-opener sa akin ang mga pinag-usapan dito.  Sadyang malaking obligasyon ang nakaatang sa balikat ng mga magulang sa pagiging tagumpay sa buhay ng mga anak.  Tagumpay na hindi kaugnay sa pera kundi sa paglaki nang may respeto at pagmamahal sa isa't isa.  Iwasan ang kumparahan dahil ang bawat isa ay magkakaiba.  Huwag buhayin ang nasirang ekspektasyon sa isang anak sa pagpapalaki ng isa pang anak.

Pagkatapos nito'y sukdulan ng tagal naming hinintay si KC Concepcion.  Ayaw kaming palabasin ng marshalls, pinakain kami sa labas at binabantayan kaming parang mga preso sa iwahig.  Kahit ano ang pakiusap namin talagang ayaw kaming pauwiin.  Nang sumalang si KC, gaano man siya kaganda, hindi ko na rin siya nakuhanan ng picture bilang lowbatt na ang cellphone ko.  Ang sumatutal, natapos ang lahat bandang 8:20 ng gabi.  Kung empleyado kami ng ABS CBN, nakabuo na kami ng isang 8-hour shift.

Malaki ang aking natutuhan:
1. magbaon ng JACKET! wala si Willy para magbigay nito at SOBRANG LAMIG sa studio.
2. siguraduhing may back-up battery o di kaya ay magdala ng spare na camera dahil masarap magkuha ng picture ng sobrang gagandang tao.
3. taal sa tao (Pinoy man o dayuhan) ang pagtangkilik at kultura ng pagiging FAN. ito ang dahilan kung bakit patuloy na nabubuhay media.

Shameless me: salamat sa pinsan kong si Madelaine Dela Cruz-Zabrosky, pinagtyagaan nyang panoorin ang episode via TFC at kinuhanan nya ako sa TV. (Cousin, kitang-kita ang bilbil ko sa leeg!)    

Huwebes, Nobyembre 21, 2013

Pasikat Kasama ang Sikat

Sa apat na required blogs sa amin para sa subject naming Kulturang Popular, sa dalawang ito ako talagang nahirapan-- ang mga may kaugnayan sa pagiging sikat.

Matagal ko nang nilisan ang limelight para maging isang pribadong tao... at ang totoo nyan ay nagfi-feeling lang ako. hehehe pampahaba ng blog.

Eto na talaga:

Ambisyosa ako sa Blog requirement na ito.  Unang pinangarap kong mainterbyu ay si Vice Ganda (dahil naging napakalaking bahagi siya ng first term kong pag-aaral sa DLSU-M) pero napakailap ng tadhana, talagang hindi swak sa pagkakataon.  Ikalawa namang inasinta ko ay ang diyosang si Ann Curtis na gaya naman ni Vice Ganda ay isang bituing mahirap sungkitin.  Ikatlo naman sa aking listahan ay si Chef Boy Logro pero dahil sa sinabi nilang mahirap ang parking sa tapat ng eskwelahan niya sa GMA Cavite, nanghina naman ang loob ko.  Dalawa na lang ang natitira isang artista, si Niel Coleta na kapatid ng dalawa kong dating estudyante sa Congre at isang politiko, ang Congressman ng 4th District of Cavite pero dahil sa palagay ko ay mas kaya kong sungkitin ang ningning ng artista eh pero hindi pala.  Dahil sa hindi naman nila tunay na hawak ang panahon nila, mahirap ding humanap ng schedule para sila ay makausap.  Salamat na lang talaga kay Kuya Jesus kasi hindi pa ako humihingi eh ipinagkaloob na sa akin ang kailangan ko. 

Karaniwan akong pumupunta sa Starbucks (*bucks) sa SM Dasmarinas para mag-aral.  Dito pansamantala kong iniiwan ang mga responsibilidad ko bilang nanay para harapin ang responsibilidad ko bilang estudyante.  Iyon ay ang pigain ang lahat ng mapipiga sa aking kaunting brain cells para makapag-produce ng requirements. Ngayong maghapon, niluto ko ang mga report ko para sa Sabado.

Dahil sa may katagalan na ako sa loob ng *bucks, kinailangan kong pumunta sa restroom at bago ako makarating doon ay ibinagsak na ng langit ang aking kahilingan.  Hey, hey, hey!!! Congressman in the house yeah!!!  Ang taong hihingian ko ng appointment kinabukasan ay nakita ko!!!  Anyway, bumalik lamang ako sa aking upuan, kinagat nang bahagya ang tinapay bago ito lumamig at nag-ipon ng lakas ng loob... nilapitan ko ang kanyang bodyguard.  Itinanong ko kung nagagalit pa si Cong. kapag nilalapitan para sa maikling interview at pagpapa-picture at sagot ni Manong, sige ma'am maganda ka naman siguradong hindi magagalit si Cong. huwag mo lang siyang kukurutin sa pisngi. (whew! ano raw? mukhang ka-selda ko si manong sa pulang bubong ah!)

At eto na ang nangyari, nilapitan ko na si Cong.

Congressman Elpidio "Pidi" Barzaga Jr.
4th District of Cavite
Hindi naman ako pormal na humingi ng appointment sa kanya at taos-puso lang siyang nagpaistorbo habang nakikipag-usap sa kanyang staff, nahiya naman akong istorbohin siya nang wagas.  Dahil dito, kaunti lang ang aming napag-usapan.  Tinanong ko siya kung pwede ko siyang ma-interview kahit saglit at ganito ang ngiti niya nang pumayag sya.



Kailangan pa raw ng isang shot sabi
 ng staff niya kasi opposite the light.


Nakakagulat na sa isang interbyung gaya nito, ang nag-iinterbyu ang tinatanong ng kanyang iniinterbyu.  Itinanong niya sa akin kung taga-saan daw ako at binirong hindi naman daw ako registered voter ng Dasma pero nakipagbiruan na rin lang ako sa kanya.  Binanggit ko sa kanyang minsan na rin akong tumulong sa kanya sa pagsasalin ng noo'y ilang pahina ng kanyang speech para sa impeachment proceedings ni CJ Corona na naalala rin naman niya (credits to Dr. Oji Batnag for the huge help).  Sabi nga niya ay sa dami na ng mga taong nakakasalamuha niya ay madalas nang nakakalimot na siya sa mga  mukha pero hindi sa encounters.  Matapos noo'y marami pa siyang mga itinanong sa akin tungkol sa aking pamilya, trabaho (dating trabaho), pag-aaral at pati na rin sa kung paanong ako ay nagkaroon ng bahay sa I.P. gayong wala naman akong trabaho sa kasalukuyan (biniro ko siyang galing iyon kay Napoles.)
Ang aking pasikat na picture kasama
ang Congressman naming sikat

Sa pagkakataong ito ay aking natutuhan na kapag pala nasa coffee shop, lumilitaw ang lighter side ng isang taong gaya ni Cong. na bagama't impormal kong hiningian ng maikling interview eh ako ang iniligaw niya at ininterview.  Ayun tuloy, ako ang maraming naikwento.  Gaya ng sinabi ko sa post sa FB, gusto ko sanang itanong sa kanya kung ano ang opinyon niya sa lumabas na desisyon ng Supreme Court tungkol sa pagiging unconstitutional ng PDAF kaya lang dahil hindi naman akma sa pagkakataon at lugar ang ganitong usapin, pinili ko na lang magpa-picture ulit.  Alam kong kahinaan sa aking panig bilang interviewer na ma-manipulate ng aking iniinterview pero sa dahilang ito ay impormal at hindi naman talaga naka-schedule, push na lang talaga- ang mahalaga ay naibahagi ko ang isang mahalagang karanasang ito.#Danasuri3

Huwebes, Nobyembre 14, 2013

CHARITY IS SACRIFICE: My Reflections on Yolanda

DISCLAIMER:

ANG LAHAT NG ITO AY PERSONAL KONG REPLEKSYON SA MGA NANGYARI SA BUHAY KO NITONG MGA NAKARAANG ARAW.  HINDI KO INTENSYONG MAGPASIKAT O GAWING TANGA ANG SARILI KO SA INYONG PANINGIN.  Sakali mang magbigay-inspirasyon alinman sa inyong mabasa, matutuwa ako pero sakaling tumuligsa sa inyong paniniwala, (I WILL APPRECIATE A GENTLE COMMENTARY). Maligayang pagbabasa!

Nong nagtuturo pa ako sa Sisters of Mary Boystown, nabanggit ng isang estudyante na isa sa mga itunuturo sa kanilang pagpapahalaga ay ganito: "CHARITY IS SACRIFICE" at ako ay biglang nagsabi, sa sarili ko lang na (MALI YUN... MALING MALI kasi dapat kung magbibigay ka, iyong bukal sa loob mo at hindi ka nasasaktan)

Lumipas ang maraming taon at naniniwala pa rin akong MALI na ang pagtulong sa KAPWA ay SAKRIPISYO hanggang ako mismo ang sumampal sa sarili ko sa MALING PANINIWALANG MALI ANG PANINIWALANG ITO.


MARAMING PAGPAPALA ANG PANGINOON SA AMING PAMILYA

Nitong nakaraang tatlong araw nang aking pag-eempake ng mga damit ba ibibigay bilang donasyon sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda, napalunok ako sa dami ng mga damit ng mga anak kong hindi na nagagamit.  Usually ang mga damit na na pinagliitan ni Schae ay ibinibigay ko sa pinsan niya sa Mindanao pero makailang ulit (mahigit nang 5 beses) na rin akong namigay sa mga kaibigan at sa mga nabahaan at binagyo.  Samantala, ang kay Boomboom naman ay ngayon ko lang nagalaw sa dahilang hindi na nakuha nung kaibigang humihingi ng damit dati para sa kanyang pamangkin dahil walang time.  Hindi ako makapaniwalang ganito pa ring karami ang natitirang damit ng mga anak ko! Anyare?

Later on, naisip ko how I've been holding back... may mangilan-ngilan akong itinitirang damit.  Out of being sentimenal, meron akong mga hindi mapakawalan.  Mga damit na regalo ni ganito... binili ko nang mahal sa ganoon... may tatak na ganire... then napaisip ako, SIGE NA NGA, PIKIT MATA KO NANG IDODONATE ANG MGA ITO... then my splitperson said "Ayleen, ANG KAPAL NAMAN NG MUKHA MO! BAKIT MO IPIPIKIT ANG MATA MO? HINDI MO MAPAKAWALAN ANG MGA YAN? ANG MGA BIKTIMA NG BAGYO WALA KAHIT ANO TAPOS IKAW MERON LAHAT MAGPIPIKIT KA PA NG MATA SA PAGBIBIGAY?"  Dito ko nadiskubreng baliw pala ako... este...

Dito, sa ganitong pagkakataon ko nadiskubreng TAMA ANG PANINIWALANG ISANG URI NG SAKRIPISYO ANG PAGTULONG SA KAPWA, iyong aaray ka kasi meron kang pangangailangan pa rin sa kung ano mang ibibigay mo.  Ibibigay mo kahit kailangan o gusto mo pa dahil mas kailangan ng iba.

Masakit sa kaloobang pakawalan ang mga iningatan kong damit ng mga anak ko.  Inilalaan ko iyon sa mga pamangkin ni Nonon pero naisip kong kung hindi ko kayang ibigay ang mga bagay na kailangan ko pa at ang ibibigay ko lamang ay ang HINDI KO NA KAILANGAN, ano ang pagtulong doon?  Tinulungan ko lang ba ang sarili kong linisin ang mga cabinets dahil marami nang kalat?  Naisip kong ang pagtulong sa kapwa ay kailangang makasakit sa sarili ko.  Makaramdan ako nang kabawasan at kawalan dahil sa ganoong paraan lang ako tunay na makakalaya sa paniniwala kong sapat ang tumulong sa ating comfort zones.  Ngayon ako lubhang naniniwalang kailangan nating magsakripisyo, GO OUT OF OUR SHELTERS and HELP. Iyong maramdaman nating nababawasan ang ating resources (pero hindi naman yung tipong uubusin na natin na wala nang matitira para sa ating pamilya).  Yung tipong babaliin lang natin konti yung convenience na nararamdaman natin para makatulong sa kapwa... yung tipong tunay tayong magsasakripisyo para makatulong... ngayon, higit kailanman napatunayan kong ito ang kahulugan ng CHARITY.

OUR FAMILY IS BLESSED BEYOND MY EXPECTATION.  Sa awa ni Kuya Jesus hindi naman nagkakasakit nang lubha ang mga bata, buhay kami at kahit paano ay malusog.  Maaaring masakit na wala ang aking Bana sa aming piling pero ito ang dahilan kung bakit higit akong maaaring makatulong sa ating kapwa, rereklamo pa? Sapakin ko sarili ko eh!


KAPE-KAPE PAG MAY TIME

Kanina, matapos kong madala ang mga donasyon sa DLSUMC drop-off area, sobrang saya ko.  Ni hindi ko nga naramdamang nagbuhat ako ng mabibigat na sako at kahon. Ansarap ng pakiramdam... gusto kong magkape.  Look! May *BUCKS!!! Ehem... pero nag-drive na lang ako papuntang SM.

Siguro may ilan sa ating nag-donate na.  Malaki man o maliit, malayo ang mararating at tiyak makakatulong. Bigla na naman akong napaisip.
Magkano ang isang kape sa *BUCKS?  Ang mahal!
Magkano ang magpa-pedicure ngayon?
Magkano ang magpa-facial ngayon?
Magkano ang magpa-UA wax ngayon?
Magkano ang magpa-rebond ngayon?
Magkano ang magpamasahe ngayon?
LAHAT IYAN KAILANGAN KO NGAYON AS IN PERO...
Sakaling ipunin ko kung gaano ang matitipid ko kung hindi ko muna pagbibigyan ang sarili ko sa mga "kailangan/gusto" ko na yan, magkano ang maibibigay ko pang pandagdag sa mga biktima ng bagyo?

Ilang minuto pagkatapos na maikli kong pagmumuni-muning ito, pumunta na lamang ako sa Global Pinoy Center at humigop ng libreng kape, MAS MASARAP!!!

Muli po:
Lahat tayo ay may episodes na katulad ng baliw-baliwan moment ko ngayong araw na ito.  Lahat tayo ay nagkakaroon ng moments of reflection pero ilan lang sa atin ang ibinubulalas ito sa social media o sa blog na gaya nito at ang iba naman ay mas pinipiling manahimik.  Maaaring nahihiya dahil baka husgahan na naman tayong papansin o mayabang, walang time, o di kaya'y gusto lamang ng tahimik na buhay pero, pasensya na kung medyo madaldal ang inyong lingkod. Sakaling inyo namang naeenjoy ang aking kadaldalan, salamat, kung hindi man, dedma na lang at ikembot ang beywang!

SAlamat sa panahon.  Simula pa lang ito, ipagpatuloy natin ang ating pagtulong.  Sa ngalan ng kapatid nating nasalanta, MARAMING SALAMAT PO.

Sabado, Setyembre 21, 2013

ang sariwang hanging aking nalanghap ay nagtulak sa aking muling mangarap

DISCLAIMER:

ANG BLOG NA ITO AY PERSONAL AT HINDI AKADEMIK OKEI?

======================================

dito sa subdivision namin ngayon, meron akong mga BFF.  sila ang mga taong kadamay ko sa hirap at ginhawa ng buhay nanay (habang wala ang tatay).  minsan sa aming chickahan ay naitanong ito:

ano ang ginagawa mo noong 20 years old ka?

sarisaring sharing pero iisa ang common sa kanila.  sa edad nilang 20, lahat sila ay masayang "gumigimik" party dito, party doon.  taas ang isang kamay habang umiindak sa saliw ng disco (noong kapanahunan namin na club na ulit ang tawag ngayon).

nang mapunta na sa akin ang spotlight... hmmmnnn lamang ang naisagot ko.  hindi dahil nahihiya akong hindi ko naranasan ang mga bagay na iyon noong 20 anyos ako kundi ibang-iba ang dahilan ng pagtaas namin ng isang kamay.

naging aktibista ako noong edad kong 19 hanggang ikaapat na taon sa kolehiyo.  hindi ko ito ikinahihiya na nagtataas din ako ng aking bisig hindi para sumayaw kundi para isigaw ang chant habang nagmamartsa.  minsan na rin akong umakyat sa ibabaw ng jeep para kumanta sa isang mob, noon ay para kay Flor Contemplacion.


ngayon, muli akong nagkaroon ng pagkakataong balikan ang gawaing ito para sa isang requirement sa school.  nakakapanghinayang lamang minsan dahil maraming ulit akong itinali ng domestic duties sa bahay kung kaya't kinailangan pang isang school requirement ang mamilit sa aking muling makisangkot.  gayunpaman, may ibang venue para sa ganitong sentimyento.

hindi naging madali ang pag-alis sa bahay.  galit na galit ang langit dito sa amin sa cavite.  ikaapat na araw ng walang tigil na ulan at parang ayaw ni "ODETTE" na palabasin ang mga caviteno sa mga bahay namin pero sige... yagyag pa rin ako.


 ginanap ang protesta sa Luneta ngayong umaga ng sept.21,2013. nakakagulat kasi nakisama naman ang panahon, walang malakas na ulan sa maynila at hindi naman gaanong mainit ang araw kaya bongga naman ang mga nakisangkot.

mula sa iba't ibang antas ng lipunan ang naroon.  may mga mula sa religious sector, academic sector, militante (parang nakakailang banggitin 'yun ah), mga artista (as in visual and some non-mainstream artistas), proletaryo, manggagawa mini-negosyante at syempre, mga usisero.



 sadyang maraming tao ang umalma sa makasariling mga pakana nina napoles and the chipmunks.  umaray lalo't higit ang uring manggagawa na hindi pa dumadampi sa palad ang mga pay-envelop ay nakaltaXan na ng tax.  ang bawat isang bago pa lamang isubo ang mga pagkaing binili ay nabahiran na ng "robbery with consent" sa pamamagitan ng eVat.  nagagalit sa ilang pagkakataong pwedeng kumain ng masarap-sarap sana pero dahil sa bawas ng tax ay napipilitang pagkasyahin na lamang ang natitira sa sweldo samantalang ang pamilya ng mga ganid ay nagsasawa sa masasarap na pagkain sa ekslusibong party sa utang-na-loob-na-mahal-na-hotel!



marami pa ring galit na pinoy pero tiyak kong ga-kulangot lang ito sa dami ng nagsidalo ngayon kumapra noong one million people march (noong aug.26).  subalit hindi pa rin nababawasan ang ningas ng suklam sa pamahalaan na magpa-hanggang ngayon ay wala pa ring linaw kung magwawakas o hindi ma'y magbabawas.  makikitang na bagama't ngumingiti pa rin ay seryoso ang mamamayan sa krusadang wakasan ng korapsyon sa pamahalaan na bigyang hustisya ang sakripisyo ng pagbabayad ng buwis. 

ang karanasang ito ay sadyang nagpaluha sa akin (seriously, umiyak ako), hindi dahil sa na-miss ko ang mob (well kasama na rin yun) kundi kung paanong ako ay binago ng komportableng buhay na ipinagpapasalamat ko namang naranasan ko.  sa mahigit na isang oras na pananatili ko sa mob na ito, naalala ko ang ideyalismong ipinunla sa akin ng PNU, ang paglilingkod sa bayan- sa mamamayang nagpaaral sa akin.  bagama't nalulungkot akong pansamantala kong iniwan ang pagtuturo, naririto pa rin ang pangako ng pagbalik at sisiguruhin kong sa pagbabalik ko bilang isang guro sa akademya (kung bibigyan pa ng pagkakataon),  hihigitan ko ang lahat ng aking mga ginawa noong unang panahon.


kasihan nawa ako ni Kuya Hesus. 

Miyerkules, Setyembre 18, 2013

VIRAL... TRENDING? pasawsaw nga!

isang requirement namin sa subject naming Kulturang Popular sa grad. school ng DLSU-M ay gumawa na apat na blogs at ang isa rito dapat ay tungkol sa isang viral post.

noong nakaraang hunyo, taong 2013 nagkaroon ako ng isang post at hindi ko inaakalang aabot ito sa mahigit 5,000 shares (bongga!) pero syempre mamaya ko na yun ibabahagi kasi sabi ni ser rowie ay yung bagong post lang muna.

at eto na, matapos ang apat na araw at tatlong gabing paghihintay, umabot na sa mahigit 200 likes ang aking post na ito 
nakakatuwang isipin na may mga kaibigang lagi't laging interesado sa mga bagay na nangyayari sa akin at sa pamilya ko.  maaaring sa pamamagitan ng mga lumang larawang gaya nito o larawang kinuha noong minsang nag-ayos ako at nagpaganda para sa birthday ng bff kong si jo.

KAILAN BA NILA-LIKE NG MGA KAIBIGAN NG ISANG POST?

hindi naman lahat ng posts umaani ng pag-like.  meron lang talagang eye-catching (kasi nga may pictures o naka-all caps ang unang salita) at meron namang ni-isang kaluluwa yata walang bumasa (kahit ako).  ang sumatutal nyan sa palagay ko ito ang mga dahilan kung bakit may mga likes ang post ng isang tao:

1.  napakaganda/biglang-ganda o napakagwapo/biglang gwapo mo sa posted picture mo (kasi kung sanay na silang maganda ka, tapos magpo-post ka ng isang kainaman lang ang ganda, magiging "just another picture" na lang ang post mo

2. meron kang kakaibang relationship status- bigla kang naging "it's complicated" mula sa "in a relationship" status mo (lalo na kung allergic ang mga kaibigan mo sa karelasyon mo).

3.  buntis ka, may nabuntis o merong bagong....

4. meron kang post na nagbibigay ng public service announcement sa taumbayan ex. WALANG PASOK BUKAS (sigurado maghi-hit yun ng 1M likes) hmmmmnnn bakit hindi ko naisip na iyon ang i-post para hindi na ako naghintay?

5. namilit kang i-like ng friends mo ang post mo.

ANG AKING PINAKA-VIRAL NA POST EVER

Kung virus ang isang post at sipon ang nauna kong post, palagay ko ito ay isang HIV dahil umabot ito ng 89 likes (sa post ko lang) , 23 comments (sa post ko rin lang)  at 5,573 shares (wagas davah?)


WARNING SA LAHAT NG MAMIMILI SA ROBINSON'S PLACE PALAPALA, DASMARINAS NA NAG-IIWAN NG SASAKYAN SA PARKING LOT NILA:

ngayong gabi lang, bandang 6:00, pumunta kami sa Robinson's Place sa Palapala para bumili ng luggage. paglabas namin sa parking lot, ito ang eksenang inabutan namin: isang babaeng katatapos lang umiyak-ninakawan ng dalawang laptop ang kanilang BAGONG HONDA CITY na wala pang plaka.

binasag ng mga magnanakaw ang bintana sa passenger side at dahil sa tinting film nito, hindi ito naglikha ng tunog na makakakuha ng pansin sa sino man sa parking area sa gawi ng supermarket entrance. wala ring alarming device ang auto kaya no-sweat ang magnanakaw.

nang makita ako ng security guard na kumuha ng picture, kaagad niya ako nilapitan at ipinabubura ang picture sa akin. dapat daw ang magpaalam ako sa management kung kukuha ng picture. tinanong nya ako kung ano ang purpose ko at sinagot ko siyang wawarningan ko ang mga kaibigan ko. KUNG KAYA NYO KAMING PROTEKTAHAN SA GANITONG LUGAR KUNG SAAN IPINAGKAKATIWALA NAMIN SA INYO ANG MGA SASAKYAN NAMIN, WALANG KAILANGANG MAG-INGAT!

sa gitna ng diskusyon namin ni manong guard biglang lumapit ang kasama ng babae at itinanong ko sa kanyang: KUYA KUNG SAKALI PO BANG I-POST KO SA FACEBOOK ANG PICTURE NYO, MALAYO NAMAN, MAY PROBLEMA PO BA? sabi naman nya wala kaya umismid na lang ako sa guard na parang nagsasabing (kita mo?)

ARAL:
hindi ko naman po sinasabing huwag tayong mamili sa mall na ito dahil i swear, sobrang luwag at magandang mag-shopping dito lalo na kung ayaw nyo ng maraming tao pero, uso na po ang TRUNK ng kotse at mas mainam kung doon natin ilalagay ang mga importanteng gamit natin para hindi na ito pagkakaabalahang tungkabin makuha lamang ang mga laman.

huwag na huwag po tayong mag-iiwan ng kahit anong klaseng BAG sa lugar na kapag nailawan at makikita sa loob.

kung ang buhay ng propesyon n'yo ay kakabit ng laptop triple ingat kung pupunta sa mga ganitong klaseng lugar.

pangalawang insidente na ito ng pagbabasag ng bintana ng kotse na nabalitaan ko dito sa mall na ito (ilan pa kaya ang hindi ko nabalitaan?)

ano kayang safety procedure ang ginagawa ng mall management tungkol dito?

magsilbi sana itong babala tungo sa pag-iingat ng lahat.

stay safe.
Kung virus ang isang post at sipon ang nauna kong post, palagay ko ito ay isang HIV dahil umabot ito ng 89 likes (sa post ko lang) , 23 comments (sa post ko rin lang)  at 5,573 shares (wagas davah?)


Martes, Setyembre 17, 2013

Mic test... mic test...

mabuhay! masiglang pagbati sa sarili ko sa paglikha ko sa blogsite na sana ay hindi ako lang ang babasa.
matagal na akong may blogs eh kaso nalibing na sa limot kasama ng sumakabilang buhay na FRIENDSTER.

sa blogs ko, tinanggal ko ang patakaran sa paggamit ng malalaki at maliliit na letra, timeout muna sa akademya, gusto kong magpaka-jologs. gusto kong ibuga ang nagbabagang apoy nang wala akong iniintinding mga bantas, rules sa grammar at higit sa lahat mga citation.  hassle kasi na iisipin mo kung sino ang nagsabi ng ganire at ganoon. gusto ko lang mag-isip nang malaya, hindi nakakahon.  maaaring may tumalsik ang kilay here and there pero requirement namin ito eh, ang gumawa ng blog. wala namang restrictions meron lang conditions kaya gorabells.

sa pagsisimula ng term ito ang alay ko, isang non-academic venue ng aking mga sentimyento de-asukal.

basa-basa kung may time!